Ken
Siguro nga at napako ako sa ikaw na nakilala ko limang taon ang nakakaraan. Sa panahong ang mga bagay para sa atin ay kasing dali ng pagbirit ni Charice Pempengco at ang mga bagay na pinag-uusapan natin ay ang mga sintunadong pagkanta tuwing misa o paano tatakas para uminom tuwing tapos na ang pag-aaral ng pilosopiya.
Naiwan nga siguro ako ng pagtanda natin.
Pangatlong araw ko na dito sa timog, kung saan ang kapayakan ng palligid ay nakakabighani. Ilang buwan natin itong pinag-usapan, ang pag punta rito, ngunit mag-isa akong tumawid at nabasa ng mga alon.
Hindi na nga ata kita kilala.
Dapat nga sana pala ay di ko sayo noon pinakilala si Patrick, ang ex-date ko na naging espesyal sayo. O kaya naman ay di na sana ako nagbigay ng payo sa kanya na hwag na hwag kang balikan sa kahit anong pagkakataon kung hindi nya kaya na unawain ang ugali mo. Kakaunti ang nakakaunawa sayo at pinagpapalagay kong isa ako dun. Ganon kita kamahal bilang kaibigan, ayokong sumakit ang ulo mo sa paulit-ulit na hiwalayan nyo. Sana pala minahal kita ng mas kaunti.
Nasaktan ako sa naging takbo ng pag-uusap nyo ni Patrick na natuloy sa pagbabalikan nyo. Sa pagbabalik nya, naiwan ako. Ang pakielamerong ako, ako na hindi na nagpaliwanag sa tunay na nangyari.
Ngunit maligaya ako, Ken. Sa wakas, kayo na muli ni Patrick. Kung mabasa mo man ito, nais kong malaman mong masaya ako at muli nyong natagpuan ang ayos sa relasyon nyo. Hindi na muli ako siguro makikialam sa kahit anong pagkakataon. Malaki ka na. Naiwan mo nga ako.
Edge
Naalala mo pa ba ang mga kalokohan kong sinakyan natin? Ang mga pagyakap sa mga mayayabong na puno. Ang mga food trip na nauuwi sa pandadaot sa mga di kilala. Ang paglilipat ng tirahan dahil sa praning na room mate. Ang pag-inom sa madidilim na eskinita ng Cubao. Sa liblib ng Antipolo. Sa mga biglaang road trip at island hopping. Nakilala mo ang masayang ako. Ang malungkot na ako. At sa mas maraming pagkakataon, kinilala kita.
Marami tayong bagay na di napagkakaunawaan. Napakalayo din ang mga mundo natin. Ngunit sa ilang taon, nagawan natin ng paraan na magtagpo ang mga hilig mo at ang mga kagustuhan ko. Marami na ring lihim ang nagbuklod sa atin at sa palagay ko, ang mga lihim ang naging ugat ng pagkakaibigan natin.
Di ko alam kung saan ako nagkamali pero ang malinaw, hindi na rin maganda ang pagkakaibigan natin ngayon. Ang palagay mo, ako ang may dahilan. Di ko maintindihan kung bakit. Ayoko na ring magpumilit at magdahilan. Wala akong kapanatagan. Di ako karapatdapat sa galit mo. Patawad kung ayoko.
We don't know where the future is taking us or what we will encounter along the way. We know we are leaving a lot behind, and yet that which matters most is always with us. We may be glad to be leaving some things behind, and for other things we will grieve bitterly. Yet in our hearts we know there is no way back. If we try to carry our baggage with us, we will get stuck at the first hurdle, unable to carry the weight of all that we think we can't live without... Yet, whatever has shaped our past will become the new beginning of the future. No fragment of our experience, however painful it may have felt, is lost or wasted, in the growing of God's dream. (Margaret Silf)