Biglaan
ang dahilan ng pagpasok ko ng seminaryo, biniro ko ang Diyos na kung may bukas
na seminaryo na tatanggap sa akin kahit Hunyo na ay dali dali akong papasok. Sa
pagkaka-alam ko ay wala nang tumatanggap sa ganung buwan pero nagkamali ako at
tinotoo ng Diyos ang kanyang biro. Naka-karton na ang mga dadalhin, nakabili
na rin ng ticket na magdadala sa akin sa Baguio. Doon, magsisimula muli. Baka
sakaling doon ay makakaunawa.
Lolokohin
ko ang sarili ko kung hindi muna ako magpapaalam kaya lakas-loob kitang
tinawagan, niyaya lumabas. Sa loob ng apat na taong naghiwalay tayo ay ako lagi
ang nangungunang kumausap sa’yo. Laging ako ang una, ang laging nangungulila na
kausapin ka. Kaya siguro minabuti ko na sunduin kita at maghintay. Akala ko di
mo na ako sisiputin pero pagdating mo pakshet eto na, magpapaalam na ako
talaga.
Dinala
kita sa Intramuros, sa tuktok ng gusaling kita ang paghahalo ng ganda at yagit ng Maynila, parang feelings ko nang sinabi mo na wala kang iniibig. Pakshet again, noon din
ay gusto kong punitin ang bus ticket ko at iwan lahat ng pangako ko sa Diyos. Maghunos-dili ka, Elias. Pagkatapos
uminom ng isang basong tubig, naglakas-loob akong itikom ang puso ko. Hindi na pwede.
Pumayag
kang ihatid kita sa inyo, katuparan sa anim taon kong hiling na malaman saan ka
nakatira. Hindi mo alam na tatlong taon akong dumadaan sa Mandaluyong sa
pagbabakasakaling makita kitang naglalakad. Lihim kong ikinasisiya ang maipit
sa traffic sa Mandaluyong. Baka ngayon
makikita ko sya. Hala tingin sa harap, tingin sa gilid, tingin sa likod. Isang beses, muntik
pa akong maubusan ng gasolina. Pero sa wakas nalaman ko kung saan ka nakatira,
malayong malayo sa mga dinadaanan ko. Natapos ang gabi na nahugot ang tinik na
kasing haba ng tatlong taon mong pagkawala. Tinitigan ko ang mga mata mo at
pawang pag-ibig na lamang ang nakikita ko dun. Pag-ibig na nagpapaubaya. Wala
na ang pangungulila at pangangarap na maging tayo muli. Dun ko naramdaman na
lumaya na ako. Sa haba ng pagmu-move on ko ay narating ko rin ang dulo, ang wakas.
Kaya
sa seminaryo, nagawa kong ialay ang sarili nang bukas palad, lahat lahat, todo
todo. Hindi ako pumasok dahil may tinatalikuran o iniiwasan sa labas. Nemo quod non habet. Hindi mo maibibigay
ang wala ka. Pumasok akong puno ng pag-ibig para maglingkod. Pero mapagbiro
muli ang Diyos. Hindi ko nakita ang sarili ko na magtatagal sa seminaryo sa
Baguio, kailangan kong lumipat kung gusto kong mahubog ng tama. May isa pang
biro ang Diyos, May pangangailangang tugunan bilang nakatatanda sa pamilya. Ang
pagpasok ko ng seminaryo na nag-iwan ng lahat lahat, eto at kailangang pulutin
ko muli ang mga tinalikuran upang magtaguyod ng mga kapatid, ng pangarap ng
iba, ang kumayod para sa pangarap ng iba. Hindi ba, yun din naman ang ibig ko, ang maging
tao-para-sa-iba? May tunggalian sa isip ko kung ang paglabas ko ba ng seminaryo
ay dahil sa responsibilidad o dahil sa pag-ibig. Paglabas ko, ang pag-ibig at
responsibilidad ay may iisang mukha.
Kaya
ito, nandito muli. Nandito muli sa pagsisimula. Babalik ba ako pagkatapos ng mga
responsibilidad? O hahayaan ang sariling anurin ang pag-ibig kung saan man ito
dumaloy at tumahan? Saka na lamang iisipin.
Sa
ngayon, maghihintay, iibig.

















