Bente Kwatro

by Monday, December 24, 2007 1 palagay
Ilang oras na lang, magbibihis ako ng pang-alis na binili ng magiting kong ina, kasama ang pamilya kong magsisimba at pagkatapos ay magkakainan. Ika-labing anim na Pasko ko na to. Parehas pa rin ang nangyayare. Labing anim na pasko ang lilipas at ako pa rin si Elias. Mapaglihim, makasarili, gago.

Ano nga bang natutunan ko sa labin limang paskong lumipas na ako ay gising ng alas dose upang halikan ang mga magulang ko, kumain sa oras na nagaagaw ang kahapon at ang kasalukuyan, namasko sa mga kuripot na ninong, ninang at mga kamag-anak, bumati ng limpak-limpak na maligayang pasko at tumanggap ng mga kung anik-anik na regalo, umattend ng mga xmas parties, natutong uminom at gumala at makitambay sa mga kaibigan?

Wala siguro.

At kung meron man, hindi sapat yung mga yun para mapaniwala ko ang sarili ko na tuwing pasko, may nangyayareng pagbabago sa akin.

Ako pa rin yung lalaking magulo ang isip, walang sariling paninindigan, maraming inililihim, may mga sariling pamamaraan. Ako pa rin yung elias na pasaway, tamad, malibog, maraming maitim na mga balak, mahilig maghiganti ng palihim, masikreto. Ako pa rin yung kuya ng mga kapatid kong iresponsable at walang magawa para maging isang kuyang may bait sa sarili. Ako pa rin yung anak ng mga magulang kong walang kwenta maski sabihin nating ipinagmamalaki ako nila. Alam ko sa sarili kong hindi ako ideal tulad ng nasa sa isip nila. Gago ako at hindi nila alam yun. Maski ng kahit na sino. Kilala ko ang sarili ko at alam kong gago si elias. Hindi ako perpekto tulad ng gusto ng lipunan.

Sabi ko nung hayskul ako, babaguhin ko ang mundo. Ang hindi ko alam eh isa rin lang pala ako sa mga taong nangarap at nakakalimot sa pangarap. Kaya naman tulad ng nangyare kahapon, natigilan ako sa sinabi ng kapatid ko. Anak ng lumpia, hindi ko akalaing kulang din ako bilang isang indibidwal. Hindi ko pa kayang baguhin ang mundo. Hindi ko kayang baguhin ang mundo dahil sa sariling mga isyu ko, hindi ko magawang maipakita ang sarili kong kayang magpabago.

Ewan.

A-bente kwatro ng Disyembre. Ika-dalawanlibo't pitong pasko na ang dadaan maya maya pagdilim. Isa-isang paparoon sa makulay na simbahan ang mga tao at pamilya. Isa ako sa mga taong yun. At isa rin ako sa mga taong tinamad mag-unat ng binti at bumangon tuwing madaling araw upang mataimtim na suungin ang lamig ng hanging amihan at tumuloy sa simbahan sapagkat dun makakatagpo ng init tulad ng sa isang matingkad na bitwin.

Isa rin ako sa mga taong mahilig mangarap na mababago nya ang mundo.

Malamig na.

Maligayang Pasko.

['yas]



(Counter boy: Kuya time ka na raw.
Elias: Oo, sandali lang...)

Yas Jayson

Panig sa Diyos at Bayan

To see the world, things dangerous to come to, to see behind walls, draw closer, to find each other, and to feel. That is the purpose of life.

1 palagay:

arjay said...

merry krismas yas!