Three Years Forward and Three Mantras Back

by Sunday, August 30, 2009 2 palagay


Kulay chocolateng pantalon at jacket. Payong na nawala. Isa. Lima. Pito. Labing apat na bote. Isang pack ng marl lights. Itim na lighter.

May dalawang tao na nakikipagpaligsahan sa lakas ng boses ni Taylor Swift sa basag na speaker. Kasama ng mga kwentong barbero at mga usaping pang-kalawakan.

Buset.

Sabi sa probability of chances theory, isa sa sampung milyong tao ang makikilala mo at maituturing mong parang ikaw sa maraming bagay. Madalas, ang mga taong ito ay mahirap hanapin dahil sa liit ng probabilidad. Mas madalas, hindi mo talaga sila makikilala dahil pwedeng 1. nasa ibang bansa sila nakatira. 2. kamamatay lang nila. o; 3. taga-ibang planeta ka talaga nagtatago ka lang sa katauhan ng isang tao.

Hindi ko na maalala kung paano at kailan ako napadpad sa kutang basurahan nya. Ang tangi kong natatandaan ay isa sya sa mga nandidiri sa mga english posts kong maski ako ay kinikilabutang basahin. Iba ang estilo ng pagsusulat nya. Ibang-iba sa kontemporaryo at balbal na paraan ko ng pagsulat.

May sarili syang mga paniniwala at prinsipyo pagdating sa relihiyon. May sarili syang mundong pilit binubuo at pinapanday. Isa sya sa anim na bilyong tao na naglalagalag at naghahanap. Ordinaryong mukha sa gitna ng dagsang tao sa syudad. Walang pinag-kaiba sa lahat. Ngunit napaka-ordinaryo sa ekstraordinaryong paraan.

Idolo nya si Conrado de Quiros at Patricia Evangelista tulad ko. Isa rin sya sa mga hibang na na nangangarap na makatanggap ng sulat galing Hogwarts balang araw. Mapangarapin syang walang maliw. Ngunit katulad ng isang sundalong patpat, handa din syang isantabi ang panghuhuli ng mga tala bilang maging bayaning walang tabak. Bayaning laging takot.Takot na talikuran ang mga nagmamadaling tawag ng pagkakataon. Nakatali sya sa telepono para maging malaya ang iba. Tsk. Naiinggit nga ako kung tutuusin dahil ilang araw na lang, kakawala na sya sa magulong limbo ng buhay kolboy. At tulad ko, tatlong bagay ang takbuhan nya sa mga panahong wirdo ang mundo: libro, bote at pagsusulat.

Hindi sya makapaniwala na labing walong taon lang ako. Inaamin ko. Dagli kong iniwanan ang pagkabata. At pati ang kakyutan ko ay naapektuhan. Makalimang beses nya akong tinanong kung bakit gusto kong magpari. Limang parehas na sagot ang binalik ko sa kanya.

Sa maraming bagay kami magkatulad. Sa maraming prinsipyo din kami nagkakaiba. Kaya nakakatuwang isipin, nagkasundo kaming mag-inuman at mambolahan. Alam ko ang pangunahing dahilan kung bakit sya naghanap ng kasama para uminom. Naiintindihan ko ang kakaiba kong kaibigan.

Sabi nila isa sa sampung milyong tao lang ang makikilala mo na kaparehas mo ng kawirdohan. At sa pagitan ng mga mga boteng walang laman, marami akong natutunan.

Naalala kong hindi pala talaga makapaghihintay ang buhay. Walang v.i.p sa panahon. Lahat tayo, umaagos kasabay ng lahat. Mabagal man o mabilis.

Tatlong taong pasingkad. Punyeta ka Lio. Sa susunod, walang magdadala ng sumbrero.

Yas Jayson

Panig sa Diyos at Bayan

To see the world, things dangerous to come to, to see behind walls, draw closer, to find each other, and to feel. That is the purpose of life.

2 palagay:

Jinjiruks said...

oi sang site mo kinuha yan. inggit ako. mp3

Anonymous said...

nang dahil sa sumbrero, inaway ka pa ng babaeng nilalandi ko. nyahahaha!

tae. at makailang ulet mo pa talagang kinuha un eh sinabi ko na ngang front ko 'yun para sa hilaw na jjampong na gupet ko. tae ka talaga.

sa uulitin. pagbalik ko. oh and yeah, mas kyut talaga ko sa'yo. at mas mukang bata. wahahahaha!

enjoyed the beer session and the idiosyncratic talkshits.