Ang ibang Simon
Kung ang bawat simula ay bunga ng bawat pagtutuldok, at kung ang bawat reyalidad ay nag-uugat sa mga pangangarap, tuwiran ang pagtukoy sa pag-asang nagsisimula sa isang panibagong yugto. At kung sa bawat taong mamanata sa pagbabagong dulot ng bukang-liwayway ay mananatiling may paninindigan, hindi mawawala ang pananalig.
Hindi ko inakala na darating tayo sa puntong ito, na ako’y manunumpa sa harap ninyo bilang inyong Pangulo. Hindi ko pinangarap maging tagapagtaguyod ng pag-asa at tagapagmana ng mga suliranin ng ating bayan.
Labintatlong taon ang pagpaplano at paghahanda ni Simon upang isakatuparan ang isang mabuting layon na nauwi sa pagkukubli sa masama. Ang isang piging na maluwalhati na sana'y isang lagim ay nauwi sa pagtugis at mga katotohanan. Kung tutuusin, nagsimula ang lahat sa ibabaw ng kubyerta, sa isang bapor na hugis tabo na umuusad sa payapang ilog pasig. O nagsimula ang lahat sa kamatayan ng pag-ibig o ng tao, sa isang pagtutuldok? Maaring nagsimula ang lahat sa kahit anong ugat. Ngunit ang naging bunga ng pagtatangka ay isang hinagpis ng pagkamatay sa isang ilang, sa kamay ng isang pari sa malungkot na baybayin ng silangan.
Kayo ba ay minsan ring nalimutan ng pamahalaang inyong iniluklok sa puwesto? Ako rin. Kayo ba ay nagtiis na sa trapiko para lamang masingitan ng isang naghahari-hariang de-wangwang sa kalsada? Ako rin. Kayo ba ay sawang-sawa na sa pamahalaang sa halip na magsilbi sa taumbayan ay kailangan pa nila itong pagpasensiyahan at tiisin? Ako rin.
Sa isang nobela, naniwala si Simon na ang higit na mahalaga ay ang magiging bunga ng layon kahit na masama ang paraan. Ilang siglo ang nakalipas, isa pang Simon ang nagtakda at nagpatunay na higit kailanman, ang tao ang syang huhubog at gagawa ng mabuting paraan.
Sapagkat dilaw ang kulay ng kalayaan.
Ngayon, sa araw na ito - dito magwawakas ang pamumunong manhid sa mga daing ng taumbayan. Hindi si Noynoy ang gumawa ng paraan, kayo ang dahilan kung bakit ngayon, magtatapos na ang pagtitiis ng sambayanan. Ito naman ang umpisa ng kalbaryo ko, ngunit kung marami tayong magpapasan ng krus ay kakayanin natin ito, gaano man kabigat.
Nagsimula ang lahat noong nakaraang taon, sa isang pagpanaw at sa isang imbitasyong hamunin ang sistema. Walang ambisyon ang anak na mamuno, walang pangarap na maging pinakamakapangyarihan. Ngunit ang katotohanang ang kapangyarihan ay naghanap ng mabuting mga kamay, nakatagpo ito ng tahanan sa puso ng isang taong may mabuting paghubog at takot sa Dyos. Sa panahong ito, tao ang naghusga sa sarili nyang dumi at yumi, sa sarili nyang kinabukasan at kasaysayan at sa sarili nyang mga tuntunin at mga pangarap.
Kung kasama ko kayo, maitataguyod natin ang isang bayan kung saan pantay-pantay ang pagkakataon, dahil pantay-pantay nating ginagampanan ang ating mga pananagutan.
Sa mga nang-api sa akin, kaya ko kayong patawarin, at pinapatawad ko na kayo. Sa mga nang-api sa sambayanan, wala akong karapatan na limutin ang inyong mga kasalanan.
Ito ang pinagkaiba ng sa nobela at sa kasalukuyan. Ang nauna ay naghangad ng paghihiganti sa lahat ng kasawiang nangyari, sa lahat ng paghahamak at sa lahat ng pagmamaliit. Ang huli ay mapangarapin, puno ng pag-asang hindi lahat ay tulog sa gabi ng ating mga ninuno, at na ang pagbangon ay makakamit sa unang hakbang; sa pagpili ng mga tamang mamumuno, at ang bawat humahamak at nandaya ay dapat bigyan ng hustisya. Kung meron mang bayaning dapat bigyan ng parangal, ito ay ang mga may malaking pangako sa bayang takot lang nila na baliin. Panahon lang ang makapaghuhusga't makapagsasabi.
Sapagkat sa huli't huli ang tanging mahalaga ay ang pagkadakila ng isang layunin, ng isang pagpapasya.
Yas Jayson
Panig sa Diyos at BayanTo see the world, things dangerous to come to, to see behind walls, draw closer, to find each other, and to feel. That is the purpose of life.
5 palagay:
umamin ka. hindi ka naman din bumoto kaibigan.
that's such a nice photograph
sobrang laki ng expectation ng bayan kay PNoy, sana masustain nya yun... dahil sa huli, masmagandang makita ang isang literal na bagay kesa sa maririnig at hanggang imahinasyon lang.
sana ito na rin ang simula ng pagkakaroon ng pagpapatawad sa pinakamalaking hidwaan sa politika sa bansa(aquino vs marcos).
mabuhay ang Pinas. mabuhay ang Pangulo!
i love his speech!made me proud pinoy ako hehe
Hanep sa analysis. Ako naghintay lang ng mga kakanta haha.
Post a Comment