Isinusulat ko ito habang ang lahat ay nangyayari pa.
Nasa isang ospital ako ngayon, ilang kembot mula sa mga pinakamatandang pamantasan sa Asya. Mali ka. Hindi ako ang pasyente.
Masungit ang panahon. Banas ang karamihan dahil sa baha. Walang masakyan. Taob na din ang ilang basket ng mga bulaklak sa Dangwa. Malakas ang ulan. Nagdadabog. At hindi man hayag, nagpapa-ibig. Ito ang Maynila.
Ilang araw na ring may sakit ang housemate ko, si Jerome. Bahagya kong sinisisi ang sarili pagka't noong Byernes na yun, ako ang nagyaya sa kanila ni Ryan na maligo sa ulan. Tinuring ko ang ulan bilang signos ng masayang pamamalagi ko sa bagong bahay kasama si Jerome at Leroy. Panibagong simula. Panibagong paglalagalag.
Sakitin pala si Jerome. Kaya kung may grandslam award para sa kahit sinong nagka-dengue ng tatlong beses sa nakaraan, magdeliryo ng ilang ulit, maoperahan sa tyan, sa appendix at matahi ang iba't-ibang saksak, masawian ng boyfriend sa insidente ng pananaksak, itanggi ng mga magulang dahil sa pagiging bading -walang ibang mag-uuwi ng flower and sash kundi ang housemate ko. Take note. Pang-apat na dengue nya na to. Sa sobrang loka ng doktor, parang gustong ipublish sa medical journal ang kaso nya.
Pero pero kailan ang isang kabiguan, ang isang kasawian, ay magpapatuloy din pala sa isang masayang istorya?
Pinagmamasdan ko sila ngayon, kung paano ang yakap ng isa ay tila nakakapaglaho ng lahat ng sakit ng isa pa, kung paanong banayad na inaalalayan ni Ryan ang housemate ko para umihi. Di ko na mabilang kung ilang ulit silang nagpabalik-balik sa cr para umihi, ang naaalala ko lang ay kung gaano kalaki ang pag-ibig ng lalaking ito sa housemate kong dalawang linggo pa lamang ang nakalipas buhat nang una silang magkita sa mahabang pila ng enrollment sa pamantasan. Si Ryan para sa master's degree, si Jerome naman ay para sa mga subject na na-singko nya o di pa nakuha dahil sa pagkakasakit.
Sinusulat ko ito habang ang lahat ang nasa pangyayari pa. May sakit kasi ako na kalimutan ang emosyon ng isang ala-ala. Kaya heto, tumitipa ng mga salita habang sariwa pa sa isip ko ang eksaktong pakiramdam ng eksena. Masaya akong maging saksi ng isang magandang pagsisimula. Sabi nga ni Fran, bagong kaibigan na madalas tumambay sa bagong tirahan ko sa Mahabagin, sa pagbuo ng mga istorya may mga karakter na may laang papel lamang na dapat gampanan ang mga kaibigan. Sa buhay ng taong malalapit sayo, di ikaw ang main character. Sa tingin nya, mananalo kami bilang best supporting cast sa love stories ng mga housemate ko.
Handa akong maging tanggulan sa tuwing sasapit sa 'yo ang tag-ulan.
Madalas kapag mas maraming salita ang isang larawan, hinahayaan ko ang pagkapipi ko sa pagsusulat. Ngunit tulad ni Jerome at Ryan, magbabakasakali ako. Baka requirement lang talaga ang paghihintay, parang pila sa enrollment 'nung nakaraang dalawang linggo. Baka kapag naghintay ako, kikindat din sa akin ang pagkakataon. Malay natin, baka mas juicy ang love story ko.
Baha pa rin ang kahabaan ng Espanya habang tinutuldukan ko ang talatang ito. Lunod pa rin ang mga baklang bulaklak sa kanto ng Dangwa. At si Ryan, heto't lumapit sa kama, dinampi ang labi sa maputlang mukha ni Jerome bago inalalayan pabalik ng cr. Ito siguro ang natutunan nila sa paghihintay sa pila. Hindi importante kung ilang beses ka bumagsak sa mga subject na kukunin mo ulit ngayong sem, mas higit na importante kung ilang beses kang magtatapang na umulit. Hindi nga siguro nakakapagod kapag umiibig.
5 palagay:
naiimagine ko na kinikilig ka at naiinggit..hahaha ako pala ang naiinggit, sa sweetness at hindi sa mga sakit sakit ng bida.
yas! :) ang sarap lang basahin, quotable na naman ikaw hehe
Parang gusto ko na ulit maniwala sa pag-ibig! ;)
galeng nmn ni Yas :)
first time ko sa blog. hindi ko maiwasang hindi magcomment. kase parang bawat salita at titik na sinulat mo rito, tumatagos sa puso ko. damang-dama ko. haha. kasabay pa ng "music of the night" na background song ko.
maraming beses ko na rin gusto sukuan ang pag-ibig. pero hanggang ngayon, andito pa rin ako. mahirap yata talaga.
Post a Comment