“ANONG GINAGAWA MO RITO, ELIAS?”

by Saturday, July 20, 2024 0 palagay

July 20, 2024
Acacia Hotel
Davao City

Bago magsimula ang panibagong taon sa seminaryo, minabuti kong mag-silent retreat. Palabiro itong Diyos na ito. Sa lahat naman ng pwedeng puntahan ay itong Abbey of Transfiguration ng mga mongheng Benedictine. Tatlong taon ang nakakaraan eh nagpunta na dapat ako dito kaso mo, lango ako noon at hindi nagawang gumising para sa flight. Pero ang Diyos, gagawa ng paraan. 

 

Pagdating sa tuktok ng Malaybalay, sa Bukidnon, iba ang eksena. Simple ang lahat. Malamig at panay ang ulan, ilang beses kong inisip wag maligo. Nagawa kong hindi dumaldal ng ilang araw. Gamit bilang guide ang librong “Becoming Who You Are” ni James Martin, SJ na base sa buhay nila Thomas Merton, Henry Nouwen, at Mother Theresa, sinikap kong kilalaning mabuti ang sarili.

 

Pinilit kong sundan ang schedule ng mga monghe. Gising sa madaling araw para manalangin, uminom ng napakaraming kape na ani nila para magising, nagsulat, nanalangin ulit hanggang bago pumikit. Yung Compline ang pinakapaborito kong sabayan sa schedule nila. Madilim ang buong paligid, ilang ilaw lang ang bukas sapat para maaninag ang itim na birhen sa ibabaw ng altar at ang tabernakulo. Paulit ulit sa utak ko ang unang linya ng kanta ni St. Thomas Aquinas: “Adore te devote, latens Deitas.” Sinasamba kita, nagtatagong Diyos.

 

Sa altar may painting ng eksena ng Transfiguration. Ang Diyos na puting puti ang damit, napagigitnaan nila Moises at Propeta Elias habang nasa bandang paanan ang tatlong apostol na manghang-mangha, ayaw na bumaba ng bundok. “Dito na lang tayo, Lord.”

 

“Anong ginagawa mo rito, Elias?” Yan ang tanong ni Yahweh sa propetang reklamador sa pagbasa ngayong araw. Yan din ang tanong ko buong linggo ko dito sa abbey. Nagpahinga, nag-recharge, kumain ng marami, uminom ng ilang tasang kape. Tumawa rin at nagkaroon ng mga bagong kaibigan. Hinanap ang Diyos na mahilig magtago sa ordinaryo. Pero ang totoo, Diyos ang naghanap sa akin. Handa na ulit bumaba at ituloy ang palabas.

 

Sa huling gabi ko sa abbey, nagpa-iwan ako pagkatapos ng Compline. Maliban sa ilang palaka at ilang uwak na sumilong dahil sa ulan, solo ko ang simbahan. Pagtapos tumunganga sa Blessed Sacrament, naisip kong umakyat sa estatwa ng Mahal na Birhen ng Montserrat. Habang nakatunganga ulit at sinisipat kung totoong ginto ba ang kulay ng birheng maitim, bigla kong naalala na 500 years ago, sa parehas na imaheng ito tumunganga din si San Ignacio de Loyola at inalay ang kanyang espada, simbolo ng dati nyang buhay na kailangang mamatay, paglamayan, at ipagpasa-Diyos. Syempre hindi pwedeng papatalo ako. Wala man akong espadang maialay sa Birhen ng Montserrat, naglitanya ako ang mga hang-ups ko sa buhay at sinabing “Sayo na yan, ‘Nay. Thank you, next na ako.”

 

Pwede na siguro yun.

 

 ———

“Dumaan si Yahweh at umihip ang napakalakas na hangin […] ngunit wala sa hangin si Yahweh. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol si Yahweh. Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat si Yahweh. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.”


Yas Jayson

Panig sa Diyos at Bayan

To see the world, things dangerous to come to, to see behind walls, draw closer, to find each other, and to feel. That is the purpose of life.

0 palagay: