Hanggang Kelan Ka Trapo?

by Monday, July 27, 2009 3 palagay

Magrereport ka mamaya sa bayang siyam na taon mo nang pinanglilingkuran. At kung ano mang uri ng paglilingkod ang ginagawa mo, hindi ko mapagtatanto. Magsasalita ka tulad ng ginagawa mo tuwing Hulyo sa kuta ng mga lobo at buwaya. At mula doon, manonood na naman ang buong bayan ng isang masayang palabas na pang-perya. Kundi mo man alam, ang tanging inaabangan ng madla ay kung ano ang suot mo at ang mga bilang ng palakpak, hindi ang mga mahahabang pangungusap na isang taon mo inensayong bigkasin.

Mag-uulat ka ulit tungkol sa mga bagong kalsada, sa mga bagong gusaling pampaaralan at mga kulay pink na tulay. Magbabanggit ka malamang ulit ng mga pangalan ng mga mukhang ngayon lang makikita. Maririnig ulit namin ang mga salitang GDP, GNP, stock, purchasing power, global market, America at OFWs. At malamang sa malamang, may mga madadagdag sa speech mo tulad ng automated election, contitutional change at call center. Kung sino man ang writer ng speech mo, magaling syang magmanipula ng ating lenggwahe.

Inaabangan ng lahat ang talumpati mo para sa ibat-ibang dahilan. Reporters, kritiko, snatchers, artista, producers, kandidato, aktibista, estudyante, suicide bombers, terorista. Bukod sa mga taga-nayon na pinangakuan mo ng linya ng kuryente, ang tanging grupo ng mga tao na hindi makakarinig sa sasabihin mo ay ang mga putang pagod at paos sa pagsasalita sa telepono.

Ito ang tanging pagkakataon na maririnig ka namin tungkol sa mga ginawa mo pagkatapos ng isang taon. Ang nakakayamot nga lang, walang question and answer part after the speech. Pili din ang mga pwedeng makapasok. Kung anong sinasabi mo, wala kaming paraan para mag-tanong.

Nasaan na ang bangkang papel? Hanggang kelan tayo mag-aangkat ng bigas at asukal? Nasaan na si Garci? Ilan lang ba dapat ang bata sa isang silid-aralan? Napirmahan mo na ba ang magpapababa ng presyo ng gamot? Hanggang kelan ka may malalaking tarpaulin kasama ang kung sinong mga politiko kapag may inaayos na kalsada? Mangungutang ba ulit tayo? Bakit mas mahal ang isda kesa baboy? Nasa China ba si Abalos? Tumataya ka ba sa jueteng? Masarap ba ang noodles na binibigay ng DepEd? Nakotongan ka na ba ng mga pulis sa Pasig? Bakit masungit ang mga empleyado ng PAG-IBIG? Mamimigay ka ba ulit ng kalendaryong may malaki mong piktyur sa bagong taon?

Alam ko. Masyadong malaki ang Pilipinas para buhatin mag-isa. Kaya nga maraming nurse at teachers na pumupunta sa ibang bansa.

Tungkol saan nga ba ang lahat? Para saan ba ang lahat? Para mamaya? Eh anong meron bukas?

Teka, anong oras ka nga ba magsasalita?

Yas Jayson

Panig sa Diyos at Bayan

To see the world, things dangerous to come to, to see behind walls, draw closer, to find each other, and to feel. That is the purpose of life.

3 palagay:

Jonell said...

Bukas na an karnibal. Maaari nang pumasok ang gustong ma-entertain ng sumisirkong elepante.

Babaylan said...

Sana madapa siya dito at dito ipagpatuloy ang SHOWNIA.

PABLONG PABLING said...

no comment