Mga Ngunit

by Friday, December 09, 2022 0 palagay



Paano ko nga ba nalaman na tinatawag ako ng Diyos? May himala ba, o mga pangitain akong nakita? 

Paano ko masasabi nang may kasiguruhan na ito ang laan na buhay Nya para sa akin?


Di tulad nila Samuel o Jeremias sa mga kwento sa Bibliya, wala akong narinig na boses o napaginipang mga tanda na nag-udyok sa akin na subukin ang buhay relihiyoso. Bagkus, maari kong ihambing ang aking bokasyon sa isang binhing itinanim. Magmula pa sa aking pagkabata, naroon na ang pagkabihag sa Simbahan at sa pananalangin. Tanda ko pa noong mga bata pa kami, hindi maaring hindi kami mag-rosaryo at mag-Angelus pagsapit ng alas-sais ng gabi. Doon ko unang naranasan ang matuto sa kahalagahan ng pananalangin. Sa murang edad, naging aktibo ako sa aming parokya bilang sakristan at kasapi ng youth ministry.

 

Isa sa mga naging mabuting halimbawa ko habang lumalaki ay ang aking lola. Lagi nya akong bit-bit sa pagdalo sa bukluran o Bible study. Kadalasan, ang mga dumadalo sa bahay-bahay na pagpupulong na ito ay mga nanay o matatandang babae at lalaki. Ako ang pinaka-batang kasali sa kanilang pag-babahaginan. Sa murang edad, natuto akong magbasa ng Bibliya. Nakatulong ang karanasan na iyon upang mas lalo kong mahalin ang aking relihiyon. Mula sa paulit-ulit ng parehas na dasal, nadiskubre ko sa bukluran ang pag-aaral ng Salita ng Diyos bilang mahalagang sangkap ng buhay panalanagin. Noong ako ay nasa ika-anim na baiting naman, ang aking adviser at guro sa English ay isang Protestante. Bilang bahagi ng aming mga aralin, pinapabasa nya kami ng mga akda mula sa Bibliya at pinakakabisado nya kami ng mga talata. 

 

Kaya hindi ako magtataka kung bakit sa murang edad, ang “binhi” ng bokasyon ay nagkaroon ng ugat at magkadahon. Noong nagtapos ako ng highschool, pinagpasyahan kong pumasok sa seminaryo. Malapit lamang ang seminaryo sa aming bahay. Tuwang tuwa ang aking ina sa aking desisyon. Sa hindi inaasahang pagkakataon, namatay si Mama kung kaya pagkatapos ng isang taon sa seminaryo, pinagpasyahan kong lumabas upang tumulong sa aking pamilya. Nagtrabaho, nagsikap, at gumawa ng ibang pangarap.

 

Ngunit iba ang Diyos umibig at manuyo. Habang wala na sa isip ko ang bumalik pa, sa edad na dalawampu’t lima ay nakita ko na naman ang sarili kong pumapasok sa seminaryo. Parang may kung anong uri ng pagkabihag na lagging nagtutulak sa akin na bumalik sa kabila ng mga bagay na aking natamo sa buhay.

 

Ngunit lumabas muli ako. Ang lola ko naman ang dahilan sa pagkakataong ito. Wala na kasing mag-aalaga sa kanya at may kakayanang suportahan ang kanyang mga pangangalingan. Kaya naman inilaan ko ang mga nakaraang taon sap ag-aalaga sa kanya. Maraming nangyari sa mga panahong iyon. Sa aking pagsisikap na rin, bahagyang umunlad ang aming pamumuhay. Ngunit hindi pa rin nawawala ang pagnanais na maging par isa lahat ng panahon na iyon.

 

Matapos ang apat na taon, sumakabilang buhay na rin ang aking lola. Isang taon pagtapos ay sumunod naman ang aking ama. Opisyal na wala na akong kailangang suportahan. Parang sinasabi ng Diyos sa akin, may idadahilan ka pa ba para hindi Ako sundan? Kaya naman agad akong naghanap ng mapapasukang seminary sa edad na tatlumpu’t-isa. Dinala ako ng aking mga panalangin at pangarap sa seminaryo ng mga Pranksiskano.

 

Tapos na ba ang kwento ko, ngayon na narito ako sa loob ng seminaryo at tinutukoy kung ang buhay Pransiskano nga ba ang buhay na angkop at laan para sa akin? Hindi ko masisiguro sapagkat nasa simula pa lamang ako. Dito ba ko tinatawag upang maging banal? Hindi ko alam ang sagot sa mga ito sa ngayon.

 

Ngunit makakasiguro ako sa grasya ng Diyos na Siyang tumawag at unang umibig sa akin.

 

Yun lang ay sapat na sa akin sa ngayon.

Yas Jayson

Panig sa Diyos at Bayan

To see the world, things dangerous to come to, to see behind walls, draw closer, to find each other, and to feel. That is the purpose of life.

0 palagay: