Pagpasok ko ng seminaryo, isa lang ang bilin mo: Pangatawanan mo yang hayop ka.; maging mabuti kang Father Elias. Naging mas madalang ang usap natin, nung birthday ko, ikaw ang humingi ng pabor - panalangin. Ambilis, dati covid covid lang usapan natin ngayon, Stage 3 agad. Napakadaya, ang tapang mo.
Umiinom ng gawa mong lemonda, sa pagitan ng mga upos ng sigarilyo, habang matingkad ang kulay ng langit sa balkonahe mo. "Elias, paano ba mag-start ng devotion?" Dun ko naramdaman na dinadala ka ng tapang mo palapit sa Diyos. Sa totoo naman, hindi ka lumayo kahit kaylanman. Minsan, walang pangalan ang Diyos sayo. Madalas, sigurado kang sya ang tumawag at umiibig sayo.
Kaya pala nitong mga nakaraang mga araw, bukambibig ko ang kantang "Stay With Me, Lord" eh hindi naman ako deboto ni Padre Pio. With matching teary eyes pa minsan kapag kinakanta ko habang naka-upo sa inodoro. Paulit-ulit, ilang araw na ganun. Sabi ng kanta:
Stay with me Lord, that I may never forget you.
Stay with me Lord, because I'm weak.
Yun pala ang mga araw na hinang-hina ka na. Hindi ko man lingid noon, naiintindihan ko ngayon na hinehele ka ng mga panalangin ko kasi hindi biro ang kirot ng sanlibong karayom. Bisperas ng pista ni Padre Pio, sinundo ka nya pabalik sa Bathala ng mga bahaghari, ng mga bituin, ng mga kalupaan, ang ng lahat ng mga nasa pagitan. Salamat naman, tapos na ang mga pasakit.
Pahapon na ngayon, katulad noong huli nating pagkikita. Salamat sa kakaibang pagkakaibigang nabuo sa Katipunan. Hindi mo man akalain, kasama ka sa mga humubog sa akin. Natuto akong umibig nang lubos at maglaan ng buhay sa makabuluhang bokasyon.
0 palagay:
Post a Comment