Moving on.

by Sunday, June 01, 2008 3 palagay
“Be brave. Take risks. Nothing can substitute experience.
When we least expect it, life sets us a challenge
to test our courage and willingness to change;
at such a moment, there is no point in pretending that nothing
has happened or in saying that we are not ready.
The challenge will not wait. Life does not look back.
A week is more than enough time for us to decide
whether or not to accept our destiny.”
-Paolo Coehlo

Ngayon ang unang araw ng pagpapatuloy sa buhay. Ang unang araw ng regular naming buhay sa bahay. Na hindi kasama si Mama.

Maaga kaming ginising ni Papa para mag-ayos at mag-almusal. Mag-aayos ng bahay. Sa dami ng nakatambak na maruruming gamit, damit at mga abubot sa nakakalat, unti-unti naming sinimulang pulutin din ang aming sarili sa mga nangyari sa amin.

Sinisimulan na din ni Papa at Tito na ayusin ang harapan at drainage namin kasama ng pagkukumpuni sa mga nasirang ala-ala ng isang asawa at kapatid. Sa loob ng halos sampung araw ng pagiging abala at tuliro, kasama ng paglimot sa sariling ayusin at mag-ayos, sa sampung araw na nakalimutang kumain sa oras at magpatakbo-takbo sa kung saan-saan, hindi ko na halos makilala ang sarili ko.

Hindi ako umiyak at nagwala para maipakita na natatakot ako sa mga darating na responsibilidad ko bilang isang kuya at anak. Sapat na ang ngumiti ako at ipakita sa mundong kaya ko. "Kamusta ka na?" Wala akong ibang sinasagot sa tanong na yan. Ayos lang ako. Ako pa, malakas ata to. Kung hindi ko kasi lalakasan ang sarili ko, wala na akong ibang paghuhugutan ng inspirasyon at pag-asa. Alam ko rin na kailangan kong maging matapang kasi gusto kong tuwing titingin sa akin ang mga kapatid kong napanghihinaan ng loob, may kuya at kapatid din silang mapagkukunan ng lakas ng loob na tumahan. Malaki na ako at tumanda ako sa loob ng sampung araw. Hindi na naintay ng panahon ang martes para patandain ako.

Hindi na rin nahintay ni Mama ang birthday ko.

Ayos lang.

Malaki na nga ako.

Magulo sa bahay. Sobra. Katulad ng isip kong pinipilit kong ayusin. Kahit saan ako magpunta, lagi akong sinusundan ng ala-ala ng nanay ko. Tulad kagabi, kalagitnaan ng tulog ko, nagising ako. Di ko pala nagawang kumain. Bumaba ako para uminom at matulog ulit. Ngunit habang nasa sala ako, di ko mapigilan ang maraming beses na kakatok ako ng dis-oras ng gabi at si Mama ang magbubukas ng pinto. Walang tanong at interogasyon. Lahat ng pag-aalala ay napapawi sa tuwing hahalikan ko sya sa pisngi. Madaling utuin ang nanay ko. Napakasimple nya at napakadaling mahalin at magmahal.

Pero ang hirap nyang kalimutan.

Ngayong araw na ito, inimpake na namin ang mga gamit ni Mama kasabay ng paglakad namin muli sa buhay bilang isang pamilya. Tangan ang isang malaking bag ng ala-ala, susubukan naming tumakbo palayo sa ulan. Papunta sa bahagharing maghe-hele sa amin. Mahirap man dahil putikan kami, unti-unti, makikita din namin ang dahilan ng mga nangyari sa amin.

Tyagaan lang, mahaba pa ang byahe.

Kaya kong tumakbo. Hindi palayo sa mga ala-ala. Kundi papalapit sa pag-asa. Hindi ako iiyak. Ayaw ni Mama.

Saan ako pupunta? Sa malayo.

Malayong-malayo.

[corny mo boy. tulog mo lang yan.]

Yas Jayson

Panig sa Diyos at Bayan

To see the world, things dangerous to come to, to see behind walls, draw closer, to find each other, and to feel. That is the purpose of life.

3 palagay:

Abou said...

elias,

nalungkot naman ako sa aking nalaman. alam kong no words could ease ur pain right now. just go on. ganyan talaga kung minsan. kailangan nating magpatuloy.

Anonymous said...

aawww.. nalungkot ako.. condolence sayo.. dahil sa mga nabasa ko, naniniwala akong matibay at matapang kang tao.. nawa'y maipagpatuloy ninyo ng matiwasay ang buhay ninyo kahit na wala na ang ilaw ng inyong tahanan..

Anonymous said...

Limang mga Patak ng Luha para sa post na ito!