Kasabay ng makukulay na paputok,
malamig na hangin,
at mga magsing-irog sa tabi ng ilog,
Ako'y titingin sa kalawakan-
kung saan nagsasayaw ang mga panandaliang ligaya
na nagbubuklod sa atin at sa mga dyos ng kalangitan.
At sa tugtog ng kampana,
mga kwitis at malalakas na pampasabog,
Hahagkan ko ang sariling lamig upang aluin ang isang malumbay na kaluluwa.
Hawak ang insensong nagsisilbing ugnayan ng makasalanan at ng banal,
Unti-unti kong itataas sa marangyang templo ang aking mga pangarap.
At ang buwan-
mga bituin,
ang mga kwitis at paputok,
at ang mga dala nitong usok
ay magsisilbing paala-ala sa isang taon na lumipas.
Kupkop ang isang balutan ng pag-asa,
tatahak muli ako.
Papunta sa bayang hindi ko alam.
Habang ang mga panandaliang ilaw sa ibabaw ng mapanglaw na gabi
ay maglahong parang bula.
-yas

0 palagay:
Post a Comment